Pangulong Duterte dumalaw sa burol ng opisyal ng Army na nasawi sa Bohol clash

(Eagle News) — Dumalaw na sa labi ni 2nd Lt. Estelito Saldua Jr., sa San Jose, Batangas si Pangulong Rodrigo Duterte pasado alas siyete ng umaga (7:30AM) kanina matapos ang biyahe nito sa Middle East.

Naging emosyonal ang pagdalaw ng Pangulo, na nilimitahan lamang sa kanyang mga kasama at sa pamilya ng pumanaw na opisyal.

Ipinagbawal din ang media sa lugar upang magkaroon ng pribadong oras ang Pangulo kasama ang pamilya ng nasawing opisyal.

Ayon sa Pangulo, hindi niya maaaring pigilan ang opensiba ng militar sa mga bandidong Abu Sayyaf dahil mapapasubo ang susunod na henerasyon.

Pangalawa sa limang magkakapatid si Estelito, breadwinner sa pamilya at nangangarap na mapabilang sa Philippine Air Force subalit nagkaproblema umano sa mata at napabilang sa Philippine Army.

Naging sharpshooter ng M-16 rifle ang opisyal na diumano ay nakapatay sa Abu Sayyaf Sub Commander Muammar Askali alyas Abu Rami.

Samantala, nakatakda namang ilibing ang mga labi ng opisyal sa Linggo, Abril 23, sa pribadong libingan sa San Jose na itinuturing na batang bayani na nagbuwis ng buhay para sa kanyang bayan.

Related Post

This website uses cookies.