MANILA, Philippines (Eagle News) — Wala umanong planong hadlangan ng Palasyo kung bubuksan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang bank accounts ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Tugon ito ni Presidential Spokesman Harry Roque nang matanong kung ipag-uutos ni Pangulong Duterte sa AMLC na makipag-ugnayan sa imbestigasyon ng Ombudsman sa umano’y tagong yaman ng Pangulo.
Ayon pa sa kalihim, sa tingin niya ay puwede namang magkusa ang AMLC na buksan ang tinutukoy na bank account ni Pangulong Duterte kung gugustuhin nito.
Ang problema lamang aniya ay walang katuturan ang alegasyon ni Sen. Antonio Trillanes at walang bago sa mga akusasyon nito.
Inihayag ni Roque na matagal nang sinabi ng Pangulo na buksan ang kanyang bank account.
Sa panunumpa ng mga miyembro ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) nagpahayag ng kahandaan si Pangulong Duterte na ipasuri sa anti-corruption body na kanyang binuo noong nakaraang taon ang kanyang mga bank account.
At kung mapapatunayan anyang mayroon itong 40 million pesos sa kanyang account ay magbibitiw ito sa pwesto.
“Ano mang silipin mo sa akin? You want to know my bank accounts? I’ll give it to you, right now. I will give you the authority, honestly, wala kayong makuha,” pahayag ng Pangulo.
“If it exceeds 40 million kasali ko na ang inheritance ko noon…magsobra diyan, i step down. Sige, kunin ninyo. Hindi ganun kalakas ang loob ko kung may masilip ka sa akin. Hindi ganun kalakas ang loob ko,” ayon pa sa Pangulo.
https://youtu.be/0lKwZ25NFts