MANILA, Philippines (Eagle News) — Nakahanda umanong bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kuwait para saksihan ang lagdaan ng kasunduan na magpo-protekta sa Overseas Filipino Workers (OFWs) sa gitnang silangan.
Inanunsyo ito ng Pangulo sa harap ng dalawang libong OFWs na dinalaw nito sa Hong Kong kahapon, Abril 12.
Ayon sa Pangulo, nagdesisyon siyang magtungo sa Kuwait matapos sang-ayunan ng Kuwaiti government ang mga kondisyon ng Pilipinas bago alisin ang total deployment ban sa mga bagong OFW na magtutungo at nasa Kuwait.
Kabilang sa mga kondisyon ng Pilipinas ang mabigyan ng isang araw na day-off kada linggo ang mga Pilipino roon at hindi rin aniya maaaring kumpiskahin ang mga passport ng mga ito.
Dagdag pa ng Pangulo, pumayag ang Kuwait na magluto ng sariling pagkain ang mga Pilipino maliban sa karne at iba pang pagkaing ipinagbabawal sa Islam.