(Eagle News) — Nakatakdang magtungo sa Malaysia si Pangulong Rodrigo Duterte para panoorin ang laban ni pambansang kamao at Senator Emmanuel “Manny” Pacquiao.
Bukod sa laban ni Pacquiao, nakatakda ring makipagkita si Pangulong Duterte kay Prime Minister Mahathir Mohamad.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, July 15 hanggang 16 ang biyahe ng Pangulo sa Malaysia.
Paglilinaw ni Roque, pribado at hindi official working visit ang pagbisita ni Pangulong Duterte sa Malaysia.
“Sabi ng Pangulo si Mr. Mahathir wanted to discuss with him the issue of the insurgency in Mindanao as well as the issue of ISIS in the region. Tapos nabanggit ni Pangulo sige let’s do it kasi pupunta naman ako ng Malaysia para manood ng Pacquiao fight.”
“Ang unang plano ni Pangulo eh talagang it is going to be a private trip to watch Manny Pacquiao’s fight pero nu’ng nag-usap sila ni Prime Minister Mahathir eh nag-date na sila kung baga dahil 15 ang laban, 16 po ang magiging pag-uusap ni Presidente at PM Mahatir,” ani Roque.
Ang Malaysia ang mag-ho-host ng laban ng Pacquiao kontra Kay World Boxing Association Welterweight Champion Lucas Matthysse ng Argentina sa July 15.
Sen. Pacquiao, mas naging inspirado nang malamang manonood si Pangulong Duterte
Matapos ang laban ni Pacquiao, gaganapin ang pagpupulong ng Pangulo kay Mahathir sa isyu ng bilateral concern kabilang ang Islamic extremism at piracy sa high seas.
Samantala, ikinatuwa naman ng boxing Senator ang balitang manunuod ang Pangulo sa laban nito, aniya mas lalo daw syang inspirado.
“Inspired siyempre. [Magpa] salamat tayo nang malaki dahil sa suporta ng ating mahal na Pangulo at sa buong sambayanang Pilipino,” saad ni Pacquiao.