Pangulong Duterte, nais ipasara ang online gaming

MANILA, Philippines (Eagle News) — Ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapasara sa mga operasyon ng lahat ng online gambling sa bansa.

Sinabi ito ng pangulo sa kanyang talumpati sa Malacanang na wala namang pakinabang sa mga ganitong uri ng sugal ang bansa.

Ipinaliwanag naman ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na sakop ng kautusan ng pangulo ang lahat ng mga online gambling firms sa bansa.

Sa kanyang talumpati, muling binanggit ng pangulo ang kanyang utos na hulihin ang gambling tycoon na si Jack Lam na nasa likod ng ilang online gaming operations sa pilipinas dahil sa hindi pagbabayad ng tamang buwis.

Muli ring binanatan ng pangulo ang bangko sentral at ang anti-money laundering council dahil sa kabiguan nilang makipagtulungan sa gobyerno sa kampanya kontra sa “money laundering”.

Ipinangako ni Duterte sa kauna-unahang pulong ng kanyang mga gabinete noong Hunyo 30 na iwawaksi na nito ang paglaganap ng online gambling sa bansa. Tinukoy niya si Roberto Ongpin, ang dating chairman ng Listed Gaming Technology Firm PhilWeb Corp., na isa sa mga oligarka na dapat ng mawala sa gobyerno.

Kasunod ng mga direktiba ng Pangulo, ang Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) ay nagpasya na huwag ng mag-renew ng lisensya at kasunduan sa PhilWeb.