MARAWI CITY, Philippines (Eagle News) – Nasa 250 temporary shelters ang ipinamahagi sa pangunguna ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Martes sa mga naapektuhan ng nangyaring giyera sa Marawi City.
Ang mga nasabing pabahay ay matatagpuan sa housing site sa Barangay Sagonsongan – isa sa limang temporary sites para sa mga nawalan ng tirahan sa lungsod.
Tatlong buwan na mula mabawi ang marawi sa mga kamay ng teroristang grupong Maute- ISIS.
Ayon sa Malacañang, 20 porsiyento pa lamang ito sa 6,400 housing units na itatayo ng gobyerno sa Marawi City.
Bukod sa mga pabahay, P13- milyon rin ang natanggap na financial aid ni Marawi Mayor Usman Gandamra.
Mayroon ding water filtration systems at mga libro na ipinamahagi.
Sa talumpati ng Pangulo, nangako pa ito ng karagdagan pang pondo para sa rehabilitasyon ng lungsod.
Ayon sa Pangulo, bangungot na maituturing ang nangyari sa Marawi City dahil sa pait na pagsalakay ng mga terorista.
Nanawagan rin ang Pangulo sa mga Maranao na huwag hayaang makapasok muli ang terorismo.
Muli rin niyang isinulong ang federalismo sa mga Maranao.
Bago ang turn-over ceremony, pinangunahan rin ng Pangulo ang groundbreaking ng bagong military camp sa Barangay Kapantaran, at ininspeksyon rin ang Bahay Pagasa Community isa pang site temporary housing units.
Inaasahang matatapos ang nasabing kampo sa loob ng dalawang taon.
(Cess Alvarez, Eagle News Service)