Pangulong Duterte, pinangalanan ang 5 heneral na sangkot diumano sa illegal drugs

By Rowena dela Fuente

 

(Eagle News) — Gaya ng ipinangako, pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte hindi lang tatlo kundi limang heneral ng Philippine National Police na sangkot diumano sa operasyon ng illegal na droga.

Ginawa ni Pangulong Duterte ang pagtukoy sa pangalan ng mga heneral sa ika-69 na taong anibersaryo ng Philippine Air Force (PAF) na idinaos sa Clark Air Base sa Pampanga.

President Rodrigo Duterte names the five generals allegedly involved in illegal drugs during ceremonies marking the 69th anniversary of the Philippine Air Force (PAF) (Screengrab of PTV 4 video)

Kabilang sa tinukoy ni Pangulong Digong na sangkot umano sa illegal drug trade sina General Marcelo Garbo, Vicente Loot, Bernardo Diaz, Joel Pagdilao at Edgardo Tinio.

Sinabi ng Pangulo na protektor umano ng illegal drug syndicate si General Garbo.

Matapos pangalanan ang mga heneral, agad iniutos ni Pangulong Duterte na sibakin ang mga ito sa kani-kanilang pwesto.

“As [of] this time, I order them relieved from their assignments and report to the Director General [Ronald Dela Rosa],” President Duterte said.

“I would like to talk to them and certainly, I would expect the National Police Commission to do their thing; imbestigahan ninyo ito at ‘wag ninyo akong bigyan ng zarzuela,” 

Retirado na sa serbisyo sina Garbo at Loot. Si Loot, nahalal noong eleksyon bilang alkalde ng Daanbantayan sa Cebu.

Inilarawan ni Pangulong Duterte ang mga opisyal ng pulisya na sangkot sa illegal na droga na nakagawa ng kataksilan sa bayan, lalo’t ang pag-aaral aniya ng mga ito sa akademiya ay tinustusan ng salapi ng bayan.

“Ito yung mga tao who were given the honor to join the academies of our country, be it the PNP or PMA (Philippine Military Academy) at the expense of the public and [made] a career there… All along, tayong mga mamayan thought we are being protected by the police,” ayon pa kay Duterte.

“Masakit pakinggan kasi ginastusan mo, pinag-aral mo, pati medyas at sapatos, gastos mo, tapos you commit (these things), by any language, it is treason,” ayon pa kay Duterte.

Sinabi ng Pangulo na nais niyang maka-usap ang mga opisyal dahil hindi niya maubos maisip at hindi niya nais lamang na hiyain ang mga ito dahil di naman daw ugali ng Pangulo ang mamahiya.

Una nang nagbigay babala si Pangulong Duterte sa tinukoy niyang tatlong heneral na magbitiw na sa kanilang pwesto bago pa pangalanan dahil sa pagiging protector ng illegal drugs operations.

Ngunit hanggang sa pormal na assumption ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa at ang pagdaraos ng command conference kasama si Pangulong Duterte ay palaisipan pa rin ang mga pinariringgang heneral na patong sa illegal drugs operations.

 

Related Post

This website uses cookies.