Pangulong Duterte, pinangunahan ang pagsira ng mga nakumpiskang 30 luxury cars

MANILA, Philippines (Eagle News) — Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-bulldozer o pagwasak sa P61-milyong halaga ng mga smuggled luxury car sa South Harbour, Port Area sa Maynila kasabay ng pagdiriwang ng ika-116 na taong anibersaryo nito.

Nasa tatlumpung mga smuggled luxury car ang winasak sa Customs sa Maynila. Kasabay din itong isinagawa sa Davao City kung saan pitong sasakyan ang sinira habang tatlo naman sa Cebu City.

Kabilang sa mga sinirang mga mamamahaliing sasakyan ay ang BMW, Jaguar, Corvette at iba pa.

Pangulong Duterte, seryoso sa paglaban sa korapsyon

Sa talumpati ng Pangulo, muli nitong binigyang-diin ang kanyang paglaban sa korapsyon sa pamahalaan.

Sa mga nakalipas na taon, isinusubasta ang mga nahuhuling smuggled na sasakyan pero nakatangap umano ng impormasyon ang Pangulo na ang mga smuggler din mismo ang bumibili nito.