SOCORRO, Oriental Mindoro (Eagle News) – Pinasalamatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mamamayan sa Bayan ng Socorro, Oriental Mindoro sa patuloy na pagsuporta sa kaniya. Sinabi ito ng Pangulo sa kaniyang naging pagbisita sa nasabing lugar noong Miyerkules, March 29 sa isinagawang People’s Day Celebration sa Brgy. Batong Dalig, Socorro, Oriental Mindoro.
Nagpasalamat rin ang Pangulo sa suportang ibinigay sa kaniya ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) National President at Socorro Mayor Maria Fe ‘Bubut’ Brondial kahit na noong siya ay alkalde pa ng Davao City hanggang sa pagtakbo at pagkapanalo niya sa pagka-pangulo. Sinariwa din ng pangulo ang kaniyang ipinangako sa mga Pilipino noong nanumpa siya sa pagka-Pangulo na pagtigil sa korapsyon sa gobyerno at ang paglaban sa suliranin sa droga.
Ayon kay Pangulong Duterte, ang kaniyang administrasyon ay naglaan ng malaking halaga para sa agrikultura at edukasyon. Dagdag pa niya na ang irrigation fee ng mga magsasaka na P5,000.00 ay inalis na niya.
Iprinisinta naman ni Oriental Mindoro Governor Alfonso Umali, Jr. ang isang Pledge of Commitment para sa Oriental Mindoro Rehabilitation and Recovery Center. Ito ay nilagdaan ng iba’t ibang stakeholders bilang pagsuporta sa anti-drug campaign ng administrasyon.
Dumalo rin sina Agriculture Secretary Emmanuel Piñol, TESDA Director General Guiling Mamondiong, Southern Tagalog Presidential Adviser Jose Maria Nicomedes Hernandez, Oriental Mindoro Governor Alfonso Umali Jr., Oriental Mindoro Vice Governor, Humerlito ‘Bonz’ Dolor, District 1 Representative Paulino Salvador Leachon, at District 2 Representative Reynaldo Umali. Dumalo din sa nasabing aktibidad ang mga Mayor at Kapitan ng mga Barangay ng Lalawigan ng Oriental Mindoro at Occidental Mindoro.
Leoven Calseña, John Valdez, Katherine Campusano – EBC Correspondents, Oriental Mindoro