QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Tiniyak ng Malacañang na gagawa ng paraan kung papaano maitataas ang sahod ng mga guro at iba pang empleyado ng gobyerno.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, kabilang sa agenda ng pinakahuling Cabinet meeting ang ukol sa salary increase ng mga kawani ng pamahalaan.
Ayon kay Roque, tatapusin muna ang huling tranche ng Salary Standardization sa mga manggagawa sa gobyerno.
Inihayag ni Roque na matatapos ang huling tranche ng Salary Standardization sa 2019.
Nilinaw ni Roque na magsisimula ang paghahanap ng pondo para sa salary increase ng mga guro at iba pang kawani ng pamahalaan na labas sa Salary Standardization Law ay sa taong 2020.
Magugunitang nauna ng tinaasan ni Pangulong Duterte ang suweldo ng mga pulis at sundalo na labas sa Salary Standardization Law na naging epektibo noong Enero ng taong kasalukuyan.
(Eagle News Service Vic Somintac)