(Eagle News) — Pinuntahan umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame, kung saan nakakulong si Senator Leila De Lima.
Ikinuwento ito ng Pangulo sa kanyang pagdalo sa 116th Police Service Anniversary at Command Conference noong Miyerkules, Agosto 9.
Ayon sa Pangulo, ninais niyang bisitahin si De Lima, pero malayo ang selda nito sa pnp sports center kung saan isinagawa ang kanyang dinaluhang selebrasyon.
“Nagpunta ako doon sa Crame, sinilip ko ‘yung presuhan niya. “Pssssttt. Gusto kong sabihin o… Malayo man. Nagpunta ako sabi ko, saan na ‘yung ****na ‘yun? Doon dinala ako. Magtawag.”
Binanatan din ng Pangulo ang European Union na nagsasabing isailalim na lang sa house arrest ang mambabatas na kanila pa umanong tinawag na “prisoner of conscience.”
“Imagine, she (De Lima) can even convince ‘yung mga tontong EU… Tapos magpunta dito and to declare, ‘Can she be house-arrested because she is a prisoner of conscience?’ P*ta, pagkabugok talaga,” paglalahad pa ng Pangulo.
“With all the, you know… Pati ‘yung pardon… ‘Yung video. Hindi n’yo tinignan kung anong klaseng babae ‘yan? And they come here and say na she’s a prisoner of conscience,” dagdag-pahayag ng Pangulo.
Nakakulong ngayon si De Lima dahil sa isyu ng ilegal na droga sa loob ng New Bilibid Prison.