Panloloob sa China Bank sa Fairview, Quezon City, iniimbestigahan na

ChinaBank branch sa kahabaan ng Camaro St., Brgy. Fairview, Commonwealth, Quezon City.

QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) – Iniimbestigahan na ng mga otoridad ang nangyaring panloloob ng pinaniniwalaang miyembro ng Termite gang sa isang sangay ng China Bank sa Quezon City nitong Lunes, Oct. 2.

Ayon sa mga awtoridad, ang mga empleyado ng bangko sa kahabaan ng Camaro St., Brgy. Fairview, Commonwealth, at ang mga gwardya ay handang makipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon.

Matatandaang nalimas ang laman ng mga safety deposit box ng mga kliyente ng bangko nang pasukin ng masasamang loob ang nasabing establisimyento sa pamamagitan ng isang malaking hukay sa mismong pintuan nito.

Ang manager ng sangay mismo na si Marco Esparejo ang nakakita sa hukay nitong umaga.

Ayon kay Supt. Tomas Nunez ng Quezon City Police Station 5, base sa inisyal na imbestigasyon, Linggo bandang 2:21 ng madaling araw pa lamang ay tumunog na ang alarma ng bangko, subalit agad din naman itong nawala.

Ayon kay Nuñez, unang pinatay ng nasabing gang ang closed-circuit television camera at ang mismong mga alarm ng sangay.

Ang gwardya naman na naka-duty ay walang naramdaman na may nakapasok na sa loob ng bangko.

 

Natagpuan sa loob ng isa pang hindi kalayuang manhole ilang hakbang sa naturang bangko ang mga tsinelas at ang ilang mga gamit na hinihinalang ginamit sa paghuhukay ng mga suspek.

Na-rekober  ng mga imbestigador ang recorder ng CCTV sa loob mismo ng establisimyento na makakatulong sa imbestigasyon.

 

 

Ian Jasper Ellazar – Eagle News Correspondent