(Eagle News) – Malabong makalulusot sa Senado ang kapapasa pa lamang sa committee level ng Kamara na panukalang pagpapaliban sa barangay at SK elections.
Ito ay ayon kay Senate President Koko Pimentel.
Ayon sa senador, may limang sesyon na lamang ang natitira bago ang kanilang bakasyon sa Marso 21.
Sinabi ni Pimentel na marami pang pagdadaanan ang panukala sakaling i-akyat ito sa Senado.
Bago aniya ito madala sa plenary ay kailangan munang magsagawa ng mga pagdinig ang kaukulang komite na hahawak dito.
Kapos na kung gayon sila sa panahon upang maaprubahan ang pagpapaliban sa nasabing halalan.
Muli aniyang magbubukas ang sesyon sa Mayo 14.