Panukalang palawigin ang validity ng mga lisensya, pasado na sa Senate committee level

Ni Meanne Corvera

Eagle News Service

Pasado na sa Senate committee on public services ang panukalang palawigin pa ang validity ng driver’s license.

Walang tumutol nang isalang sa botohan ang panukalang batas na gawing limang taon ang validity ng lisensya mula sa kasalukuyang taon.

Sa pamamagitan ng inaprubahang panukala, aamyendahan ang Republic Act No. 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code.

Sa pagdinig nangako ang Land Transportation Office na hindi ito magpapataw ng dagdag na singil kahit pa gagamitan ng bagong security features at biometric ang bagong lisensya.

“Unang-una, dapat masiguro ng LTO na hindi sila papatong ng kung anumang mga bayarin na lagpas. Hindi sila kikita dito. Kailangan kung ano lamang ang cost ng ahensya, yun lamang ang babayaran ng mga driver. So sa ngayon, kung P800 ang binabayaran para magkaroon ng bagong lisensya hindi dapat tumaas iyon. Hindi naman natin ilalagay ang eksaktong halaga sapagkat ang batas ay matagal. Depende iyan kung ano ang magiging operational cost. Hindi dapat pagkakitaan ito ng gobyerno,” wika ni Senador Grace Poe, na nangunguna sa komite.

Ang kaibahan sa bagong lisensya, hindi na kukuha ang LTO ng outsourcing company dahil sila na mismo ang mag-iimprenta ng mga ito o mag-eengrave ng mga pangalan dito.

Sabi ng LTO, sa ngayon ay nag-iisyu na sila ng lisensya na valid sa loob ng limang taon batay na rin sa executive order ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Pero wala pa raw silang ini-isyung card dahil wala pa ang mga makina na mag-iimprenta.

Ayon sa LTO, posible raw na sa Agosto makapagpalabas ng mga bagong lisensya.

Suportado ng Piston

Suportado ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide ang panukala.

Malaking tulong raw ito para mabawasan ang gastusin ng mga drivers ng pampasaherong jeep.

“Ang kailangan nating bantayan yung (implementing rules and regulations) kasi minsan maganda ang batas …. hanggang.. walang isisingit sa diwa ng ginawa nilang batas,” wika ni George San Mateo, Piston chair.

Sa ngayon, unti unti na raw tinutugunan ng LTO ang malaking backlog sa mga hindi pa nai-isyung lisensya .

 

Related Post

This website uses cookies.