MANILA, Philippines (Eagle News) — Nag-hain ng panukalang batas si Senator Panfilo Lacson ukol sa registration ng prepaid sim cards para pigilin ang scams at krimen gamit ang modernong gadgets gaya ng smart phones at tablets.
Sa ilalim nito, dapat mag-fill up ng registration form ang mga nais gumamit ng prepaid sim cards at mag-pakita ng valid identification card (ID) at dokumento gaya ng passports.
Kailangang itago at ingatan ng dealers at service providers ang records ng mga bumili ng sim cards at kapag ang isang (1) prepaid sim card ay ginamit sa ilegal na paraan, maaaring makuha ng otoridad ang mga impormasyon sa pamamagitan ng court order.
Ayon kay Sen. Lacson, kaakibat ng modernong teknolohiya ang malaking responsibilidad at dapat itong gamitin sa tama at hindi sa pang-aabuso sa iba.