(Eagle News) — Naglatag na ang Korte Suprema na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal (PET) ng mga panuntunan para sa paghahanda sa recount ng mga balota kaugnay sa electoral protest ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos.
Sa limang pahinang resolusyon ng PET, nakasaad ang mga patakaran sa isasagawang ballot revision kabilang na ang binuong exploratory mission o retrieval team.
Ang retrieval team ang tutunton at mageeksamin sa lahat ng ballot boxes sa mga probinsya at lungsod na kasama sa protesta para sa pagdadala nito sa Supreme Court compound kung saan isasagawa ang recount.
Itinalaga ng PET ang mga SC employee na sina Atty. Mercedes Mostajo at Atty. Linuel Alindogan mula sa Office of the Chief Attorney bilang leaders ng retrieval team.
Tinukoy rin ng PET sa guidelines ang komposisyon, screening at hiring ng mga miyembro ng revision committees, at ang kompensasyon na tatanggapin ng mga kasama sa aktuwal na ballot recount o revision.
Ang revision committee ay bubuuin ng coordinator na dapat ay abogado, isang recorder at representative mula sa kampo nina Marcos at Robredo.
Ang SC Gymnasium ang itinakda na lugar ng PET para pagsagawaan ng revision proceedings.
Gagamitin din sa poll protest ang bahagi ng fourth floor parking level ng SC-Court of Appeals Multi-Purpose Building at isang kwarto sa likod ng division hearing room.