(Eagle News) — Naghahanap ka ba ng budget-friendly get away ngayong summer? Hanap mo ba ay maputi at pinong buhangin, asul na tubig dagat at rock formation na perfect para sa iyong Instagram post?
Halina’t pasyalan ang Buktot Beach sa Mansalay, Oriental Mindoro.
Tinawag itong “Buktot” dahil sa hugis ng bundok sa tabi nito na animo’y kuba. Pwede itong akyatin sa loob lamang ng sampung minuto at mula sa itaas ay makikita ang ganda ng beach.
Sa tulong ng local tourism office, patuloy na dinidevelop ang lugar mula nang buksan ito sa publiko noong taong 2005. Sa ngayon, mas madali na itong puntahan dahil sa maayos na kalsada na ipinagawa ng local government units (LGU) ng Mansalay.
Ayon kay Liza Solerio, caretaker ng Buktot beach, sa halagang 10 pesos na entrance fee ay maeenjoy mo na ang white sand at crystal clear water na pangunahing atraksiyon ng lugar. Meron din itong cottages na pwedeng rentahan sa halagang 100 pesos lamang.
Kung nais namang mag-overnight kasama ang mga kaibigan ay pwede ring magset-up ng mga tent habang nagrerelax sa tahimik nitong kapaligiran.
(Eagle News Service Oriental Mindoro Bureau Irish Cobarrubias)