(Eagle News) — Hindi lamang sa probinsya ng Bohol mayroong man-made forest, kundi maging sa lalawigan ng Siquijor na nasa Central Visayas.
Ang mahigit na dalawandaang ektaryang Salagdoong man-made forest ay matatagpuan sa Barangay Olang, bayan ng Maria.
At alam ba ninyo na ang salitang “Salagdoong” ay mula sa Cebuano phrase na “salag sa doong” na ang ibig sabihin ay “pugad ng ibong doong.”
Panahon pa ni dating pangulong Carlos Garcia at Ramon Magsaysay nang simulan ang pagtatanim ng punong molave sa lugar.
Ang Man-Made Molave Forest ay 60 years in the making na at patuloy na pinangangalagaan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa tulong ng mga organisasyon sa lokal na pamahalaan.
Sa tulong din ng iba’t ibang organisasyon ay tinitiyak na walang mapuputol na puno sa lugar.
Kaya naman ito ay lumawak at itinuturing na pinakamalaki sa bansa at maging sa Southeast Asia.
Mayroon ding produksyon ng seedlings at hindi pinapayagan ang pagtatayo ng bahay sa lugar.
Ma-eenjoy ng lahat ang lilim at preskong hangin na bigay ng mga punong ito habang patungo naman sa Salagdoong beach na pinangangasiwaan ng lokal na pamahalaan sa lugar.