TAYTAY, Palawan (Eagle News) — Isang Irrawaddy dolphin ang hindi na nagawa pang maisalba at maibalik ng mga tauhan ng City Environment & Natural Resoures Office (CENRO)-Taytay sa natural habitat nito nang aksidenteng sumabit ang buntot nito sa isang lambat.
Ayon kay Forest Ranger Ricky Tandoc ng CENRO-Taytay, isang mangingisda umano ang humingi ng tulong sa kanila upang maialis sa pagkakasabit sa lambat ang isang dolphin sa Brgy. Old Guinlo sa Malampaya Sound sa Taytay, Palawan.
Nang kanila itong puntahan ay hindi na nila naabutan pa itong buhay sanhi ng panghihina dahil sa pagkakasabit ng buntot nito.
Ang Irrawaddy dolphin ay kinukonsiderang critically endangered species ng dolphin. Pinangangalagaan ang mga ito sa Malampaya Sound na itinuturing na protected area para sa mga Irrawaddy at iba pang uri ng marine mammals.
(Anne Ramos – Eagle News Correspondent)