(Eagle News) UPDATE — Labintatlo na ang kumpirmadong patay habang 16 naman ang sugatan sa kampo ng rebeldeng grupong Abu Sayyaf sa nagpapatuloy pang pursuit operations ng militar sa Basilan.
Matatandaang nagsimula ang bakbakan noong Sabado, Abril 9, na ikinasawi ng 18 at ikinasugat naman ng 53 sundalo.
Kaugnay rin ito ng ipinag-utos na ni Pangulong Benigno Aquino III na pagpapatuloy ng offensive military operations sa Basilan matapos ang halos limang oras na pakikipagpulong sa mga opisyal ng Armed Forces Of The Philippines (AFP).
Bukod kina Defense Secretary Voltaire Gazmin at AFP Chief of Staff Hernando Iriberri, kabilang din sa military briefing sina Army Chief Lt. General Eduardo Año, Intelligence Services of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) Chief General Arnold Quiapo, Major Gen. Virgilio Hernandez at Deputy Chief of Staff Lt. Gen. Carlito Galvez., Jr, gayundin ang mga bumubuo ng security cluster ng gabinete.
Ayon kay Gazmin, binigyang-diin sa isinagawang briefing kay Pangulong Aquino ang kahalagahan sa naturang operasyon ng pagkakapatay kay Mohammad Khattab, isang Moroccan Islamic Jihadist preacher na pinag-iisa ang mga lokal na armadong grupo sa international terror group.
Samantala, nagkaloob ng pagkilala si General Irriberi sa mga nasugatan at nasawing sundalo habang nagtalaga din ang opisyal ng sasakyan para agarang mai-uwi ang mga labi ng naturang mga sundalo sa Sulu at Tawi-Tawi.