Labo, Camarines Norte – Pinasok ng mga hindi pa nakikilalang mga magnanakaw ang isang pawnshop sa bayan ng Labo madaling-araw ng Marso 13, 2016.
Batay sa inisyal na imbestigasyon at ulat ng Labo Municipal Police Station (MPS) nagtungo sa kanilang tanggapan si Gilbert Jose y Papares, 42 taong gulang, may asawa, may ari ng GPJ pawnshop na matatagpuan sa Maharlika Highway, P-5 Brgy. Kalamunding, Labo, Camarines Norte , at residente ng Rosario Street, Brgy. VII, Daet, Camarines Norte, upang iulat ang insidente ng panloloob sa naturang establisyimento.
Batay sa salaysay ni Jose, bandang alas-6 ng umaga ng Marso 13, 2016 habang ito ay nasa kanyang tahanan ay tinignan nito ang kanyang cellphone na konektado sa Closed Circuit TV (CCTV) ng pawnshop upang i-check. Dito na napansin ni Jose na wala na sa orihinal na focus sa vault ang monitor ng camera. Agad naman itong nagtungo sa kanyang pawnshop at nang buksan niya ito, dito na bumulaga ang butas at sirang cement flooring ng kanyang pawnshop, at mga nakakalat na lupa at bato malapit sa vault na nagsilbing entry at exit points ng mga kawatan.
Ayon naman sa isinagawang imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), tinangkang buksan ng mga magnanakaw ang vault ng pawnshop subalit hindi ito nagtagumpay kung kaya’t ang tanging natangay ng mga ito ay ang pera sa cashier na nagkakahalaga ng P4,900. Natagpuan din sa pinangyarihan ng insidente ang isang jack, cap lamp, at 4 na kahoy na pinaniniwalaang naiwan ng mga magnanakaw. Samantala, nagsagawa rin ng pag-iinspeksyon ng Labo MPS sa 8 pang pawnshops at isang banko at binuksan din ang mga manhole at kanal malapit sa pinangyarihan ng insidente.
Dito napag-alaman na ang manhole sa tapat ng GPJ Pawnshop ay ini-lock sa ilalim sa pamamagitan ng isang tire wire. Natagpuan din sa naturang manhole ang iba’t ibang kagamitan tulad ng screw driver, plier, 4 na bala ng grinder/liha, bala ng barena, humigit-kumulang 10 metrong tali, isang pares ng gloves, at 2 sako. Napag-alaman pa ng 4 na manholes din malapit sa GPJ Pawnshop ang naka-lock mula sa ilalim na ginamitan din ng tire wire. Sa patuloy pa ring pag-iimbestiga ng mga otoridad, humigit-kumulang 400 metro mula sa pinangyarihan ng insidente ay natagpuan din sa isang manhole ang isang knee pad at 2 sports girdle.
Pinaghihinalaan namang naging main entry at exit points ng mga kawatan sa kahabaan ng drainage at sa pawnshop ang lagusan sa Labo River na may distansyang aabot sa 800 hanggang 1,000 metro mula sa pawnshop.
Ayon kay Jose, walang sinuman ang nagbabantay sa pawnshop ng mangyari ang pagnanakaw, wala rin umano silang security guard, walang ilaw sa labas ng pawnshop, at tanging manual alarm lamang ang mayroon ang kanilang establisyimento. Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy at madakip ang mga suspek.
Nagpaalala rin ang mga kinauukulan sa lahat ng mga business establishments na partikular na ang mga pawnshop na siguruhin ang seguridad ng kanilang mga establisyimento lalo na’t papalapit na naman ang bakasyon at holy week. Matatandaang ilang taon na rin ang nakakaraan ng maganap ang parehong insidente kung saan magkakatabing pawnshops sa bayan ng Daet ang nabiktima ng mga kawatan sa parehong pamamaraan. (Eagle News, Edwin Datan Jr.)