Albayalde: Peace and order sa bansa, malaki ang pinagbago dahil sa war on drugs ng pamahalaan

(Eagle News) — Napakalaki na ang pagbabago ng peace and order sa Pilipinas magmula nang simulan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang giyera kontra droga.

Sa kaniyang pamumuno naman noon bilang National Capital Region Police Office director, sinabi ni ngayo’y Philippine National Police chief Dir. Gen. Oscar Albayalde na bumaba kaagad ang antas ng crimes on properties ng halos 60 percent.

“Ang tanong po natin bakit po ito bumaba kung walang kinalaman ito sa iligal na droga. Hindi naman po natin ginagalaw itong mga ito. Dahil nakaconcentrate tayo sa illegal drugs and yet bumababa ng bumababa itong mga krimen na ito. So, tama yung sinasabi ng ating Pangulo na yung mga ibang krimen o halos na nangyayaring krimen sa bansa related sa iligal na droga,” ayon kay Albayalde.

Ito aniya ay malaking indikasyon na nagwawagi ang war on drugs ng pamahalaan bagamat aminado si Albayalde na malayo pa ang lalakbayin para tuluyang masawata ang iligal na droga sa bansa.