(Eagle News) — Pinagtibay ng Korte Suprema na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal (PET) ang nauna nitong deklarasyon na may sapat na porma at substansya ang election protest ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.
Sa walong pahinang resolusyon ng PET noong Enero 24, 2017, Ibinasura nito ang mosyon ni Robredo na magsagawa ng preliminary hearing kaugnay sa isyu ng form and substance ng poll protest ni Marcos at ang hurisdikyon ng Supreme Court na dinggin ang kaso.
Ayon sa PET, walang kuwestyon na may sapat na porma at nilalaman ang protesta ni Marcos para ituloy ang pagdinig dito.
Pero nilinaw ng tribunal na kailangan pang mapatunayan ng kampo ni Marcos ang mga sinasabing iregularidad at anomalya sa mga kinukwestyong clustered precincts.
Kasabay nito, kinontra ng PET ang pahayag ng kampo ni Robredo na dapat sa Kongreso na isampa ang kaso kung saan tumatayo bilang National Board of Canvassers ang kinukwestyon ni Marcos ang isyu ng validity ng certificate of canvass.
Iginiit ng Korte Suprema na sa ilalim ng Saligang Batas, sila ang sole judge sa mga protesta kaugnay sa eleksyon ng pangulo o bise presidente kabilang na ang mga kwestyon sa COCs.
Eagle News Service