(Eagle News) — Isinailalim ng Department of Justice (DOJ) sa Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) ang sinasabing big-time drug lord sa central Visayas na si Peter Lim alyas Jaguar.
Sa memorandum na may lagda ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre kasama ring inilagay sa ILBO ang iba pang isinasangkot sa iligal na droga na sina Kerwin Espinosa, Peter Co, Marcelo Adorco, Max Miro, Lovely Adam Impal, Ruel Malindangan at Jun Pepito.
Inilagay sila sa ILBO kaugnay sa kasong paglabag sa Section 26 Paragraph B ng Comprehensive Dangerous Drugs Act o RA 9165 na may kinalaman sa sales, trading, administration, dispensation, delivery at distribution ng iligal na droga.
Si Lim naman ay iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos pangalanan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte na kasama sa kanyang drug matrix.
Si Espinosa na anak ng pinaslang na si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa at umaming distributor ng iligal na droga ay nasa ilalim naman ng Witness Protection Program ng DOJ.
Si Co na nasa drug matrix din ng Pangulo ay bumubuno ng sentensya sa Bilibid. Sina Adorco, Miro, Malindangan at Pepito naman ay naka-base sa Albuera, Leyte.