PAO, mga kaanak ng mga namatay diumano dahil sa bakuna, hiniling din na ilipat sa iisang korte ang mga kaso
Moira Encina
Eagle News Service
Hiniling sa Korte Suprema ng Public Attorney’s Office at mga kaanak ng mga “biktima” ng Dengvaxia na ipag-utos nito na pagsamahin at ilipat sa iisang korte ang mga kasong may kinalaman sa kontrobersiya na dulot ng bakuna.
Sa kanilang Extremely Urgent Petition, partikular na hiniling ng PAO na ilipat sa family court ng Quezon City Regional Trial Court ang unang batch ng Dengvaxia cases na isinampa ng Department of Justice prosecutors.
Hinimok din ng PAO ang Korte Suprema na magtalaga ng special court sa Quezon City RTC na lilitis sa mga Dengvaxia cases.
Ayon sa PAO, isinampa ng DOJ sa iba’t-ibang hukuman ang mga kasong reckless imprudence resulting in homicide laban kay dating Health Secretary Janette Garin at iba pang akusado sa:
-Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 40
-San Pedro, Laguna Municipal Trial Court in Cities Branch 2
-Muntinlupa City Metropolitan Trial Court Branch 114
-Muntinlupa City Metropolitan Trial Court Branch 112
-Balanga City, Bataan Municipal Trial Court at
– Caloocan City Metropolitan Trial Court Branch 83
Sinabi ni PAO Chief Persida Acosta na nakapagpalabas na ng warrant of arrest ang mga nasabing korte laban kina Garin pero nakapagpiyansa na rin ang mga ito.
Layunin anya ng pag-consolidate at pag-transfer ng mga kaso sa iisang hukuman na mas mapabalis ang pag-usad ng kaso at maiwasan ang tinatawag na miscarriage of justice at magkakasalungat na desisyon.
Ayon pa kay Acosta, baka patay na siya ay hindi pa tapos ang pagdinig sa kaso kung maraming hukuman ang hahawak dito.
Katwiran pa ng PAO nasa hurisdiksyon ng family court ang Dengvaxia cases at hindi sa mga metropolitan at municipal trial courts dahil mga menor de edad ang mga biktima.
Katunayan ay ibinasura raw ng San Pedro Municipal Trial Court ang kasong nairaffle dito dahil sa wala raw itong hurisdiksyon sa kaso kaya iniutos na ibalik ang case records sa DOJ para sa kaukulang aksyon.