Philippine Red Cross – Camarines Norte Chapter, hinikayat ang publiko sa pagbibigay ng dugo

608

Daet, Camarines Norte – Nanawagan ngayon ang Philippine Red Cross – Camarines Norte (PRC) sa publiko kaugnay ng kahalagahan boluntaryong pagbibigay ng dugo sa pamamagitan ng isinagawang “Donor Recruitment, Retention & Care Orientation” na isinagawa sa AVR ng kapitolyo probinsyal nitong Hulyo 2, 2016.

Ang naturang aktibidad ay dinaluhan ng mahigit-kumulang 100 katao mula sa iba’t ibang paaralan sa lalawigan, at ilang mga barangay health workers at socio-civic organization.

Sa mensahe ni PRC-Camarines Norte Officer In-Charge, Chapter Administrator Ferdinand Salvador Ferrer, inihayag nito sa harap ng karamihang mag-aaral na dumalo ang kahalagahan ng pagtulong sa kapwa, partikular na ang pagbibigay ng dugo. Dagdag pa ni Ferrer, na ang tanggapan ng PRC-Camarines Norte ay aktibo sa pagsasagawa ng iba’t ibang aktibidad tulad ng pagsasagawa ng seminars, trainings, kaugnay ng pag-iwas sa Human-Imunodeficiency Virus (HIV), Basic First Aid, Disaster Risk Reduction Management, gayundin ang bloodletting projects sa iba’t ibang panig ng lalawigan ng Camarines Norte.

Ayon naman kay Matt Jenno D. Balce, Former Chapter Youth Council ng PRC-Camarines Norte, masyadong mataas ang pangangailangan ng dugo ng Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH) kumpara sa mga nagdo-donate sa kanilang tanggapan.

Batay kay Balce, umaabot sa 80 units ng blood bag ang demand ng naturang pagamutan kada buwan samantalang nasa 6-8 katao lamang ang nagpupunta sa kanilang tanggapan bawat linggo upang mag-donate ng dugo at minsan ay wala pa kaya’t napipilitan na lamang ang mga nangangailangang pasyente na magtungo sa ibang lugar upang makakuha lamang ng dugo.

Hindi rin aniya dapat katakutan ang pagbibigay ng dugo dahil mayroon umanong 6-8 litro ng dugo sa buong katawan ng tao at kinakailangan lamang ng sukat ng 2 regular na baso ng tubig o wala pang 10%. Ang bawat bag umano ay makakatulong na sa 3 kataong nangangailangan ng dugo.

Ayon pa rin kay Balce, mahalaga ang pagbibigay ng dugo dahil bukod sa pagtulong ay nakakapag-bigay din ito ng benepisyo sa kalusugan dahil napapalitan umano ng bago ang dugo na inihalintulad pa sa pagsasagawa ng “change oil” ng sasakyan.

Nagbigay din si Balce ng ilang kinakailangang gawin bago mag-donate ng dugo tulad ng pagkakaroon ng sapat na tulog, hindi pag-inom ng alak, nakakain ng sapat, walang anumang sakit, at malusog ang pangangatawan.

Ipinaliwanag naman ni Caroline M. Gomez, Chapter Service Representative of Blood Service ang masusing prosesong pinagdadaanan bago makapag-donate ng dugo tulad ng pagte-test dito upang malaman kung may sakit ang donor, blood type nito, o kung may kapasidad ba itong magbigay ng dugo.

Dagdag pa ni Gomez, kailangang may sapat na kaalaman ang isang blood-donor bago ito magbigay ng dugo sa magiging benepisyo nito sa iba at sarili.

Sa huli, hinikayat ni Gomez ang publiko na nagnananais na maging blood-donor na magtungo sa kanilang tanggapan mula Lunes hanggang Biyernes, 8:00 AM-5:00 PM.

Nakatakda rin umano silang magsagawa ng Blood-letting Activity sa Camp Wenceslao Vinzons, Brgy. Dogongan sa bayan ng Daet sa darating na Hulyo 14, 2016 bilang pakikiisa sa Blood Donors Month ngayong buwan ng Hulyo na may temang “Blood Connects Us All”. (Eagle News/Edwin Datan, Jr.)