Philippines-Australia Friendship Day, ipinagdiwang sa New Era University

(Eagle News) — Sa kauna-unahang pagkakataon ay ipinagdiwang ang Philippines-Australia Friendship Day sa New Era University sa Quezon City.

Ito ang ikalawang taong selebrasyon ng Philippines-Australia Friendship Day na isinabatas ng pamahalaan sa ilalim ng Proclamation Number 1282 noong Mayo 22, 2016.

Nagpasalamat naman sa Eagle Broadcasting Corporation at New Era University si Australian Ambassador to the Philippines Amanda Gorely dahil sa pag-host ng Philippines-Australia Friendship Day na idinaos sa NEU University Hall.

Masaya ito na sa unibersidad isinagawa ang selebrasyon na lalo aniyang magpapatatag sa relasyon ng dalawang bansa.

Kinumpirma naman ni Ambassador Gorely na mabilis ang pagdami ng populasyon ng mga Pilipino sa Australia at maging ang Tagalog ay mabilis na lumalaganap doon.

Naging makabuluhan naman ang selebrasyon ng Philippines-Australia Friendship Day dahil nakatuon ito sa pagbibigay ng educational scholarship sa mga interesado at kuwalipikadong mag-aaral at faculty staff.

Australia, magkakaloob ng scholarship

Nasa 90 scholarship umano ang handang ipagkaloob sa taong ito ng Australian government.

Marami naman sa mga estudyante ng New Era University at maging mga miyembro ng faculty staff ang nag-inquire at nag-apply para sa scholarship na para sa kanila ay isang malaking oportunidad.

Kinumpirma naman mismo ni Dr. Nilo Rosas na may ilan silang faculty staff ang nabigyan ng scholarship at nakapag-aral sa Australia.

Aniya, maging siya ay nabigyan ng scholarship para sa leadership program.

Lumahok naman sa education booth ang ilang kumpanya at unibersidad sa Australia na nag-aalok din ng scholarship at free consultation para sa mga interesadong aplikante. Eden Santos

Related Post

This website uses cookies.