MANILA, Philippines (Eagle News) — Itutuloy ng Philippine Ports Authority (PPA) ang Strong Republic Nautical Highway na nasimulan noong panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Ayon kay PPA General Manager Atty. Jay Santiago, 30 bagong roll on roll off o RORO terminals ang itatayo sa iba’t ibang panig ng bansa upang makapagbigay ng mabilis na serbisyo sa mga pasahero.
Mahigit pitong bilyong piso ang magiging pondo sa nasabing proyekto na manggagaling sa kita ng ahensya.
Nakikipag-ugnayan na ang PPA sa Marina para plantsahin ang mga bagong ruta ng mga RORO at ang pagkakaloob ng prangkisa sa mga ito.
Suporta na rin ang nasabing inisyatiba sa Build, Build, Build Program ng Department of Transportation (DOTr) sa layong mapaganda ang infrastructure at transportation system sa bansa.