QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Bitbit ang kani-kaniyang pamaypay at payong na bukod tanging pananggalang sa maalinsangan na panahon, hindi inalintana ng mga kapatid sa Iglesia Ni Cristo, kasama ang kanilang mga panauhin na inimbitahan ang matinding sikat ng araw habang binaybaybay ang daan papasok sa Philippine Arena.
Maaga pa lamang ay nagtungo na ang mga kapatid sa nasabing lugar upang paghandaan ang isinagawang Pamamahayag ng mga Salita ng Diyos sa pangunguna ng mga Maytungkulin sa kagawaran ng Pananalapi nitong nakaraang Sabado, Abril 8.
Ang Pamamahayag na ito ay nilahukan ng mga Distrito Eklesiastiko sa buong Metro Manila at Bulacan. Tinatayang nasa humigit na 60,000 mga kapatid at mga panauhin ang dumalo at nakipagkaisa sa aktibidad na ito.
Iba’t-ibang uri ng paghahanda ang isinagawa ng mga Maytungkulin sa INC, lalo na ang mga kabilang sa kagawaran ng Pananalapi upang makapag-imbita ng mga bisitang makikinig at magsusuri sa mga aral na itinuturo sa loob ng Iglesia. Kabilang na rito ang pamamahagi ng mga polyeto at Pasugo, Motorcade, mga Pamamahayag sa bawat lokal at purok, gabi-gabing pagpapanata at marami pang iba.
Habang hinihintay ang takdang oras ng pagsisimula ng Evangelical Mission ay naghanda ng isang maikling programa ang ilang mga kapatid at mga kilalang personalidad sa larangan ng pagkanta. Kabilang sa mga nagtanghal ay si Kapatid na Victor Wood habang inaawit ang kanyang mga pamosong awitin na tunay namang nagpakilig at nagpahiyaw sa marami.
Dakong alas-kwatro ng hapon nang simulan ang pag-aaral ng mga Salita ng Diyos sa pangunguna ni Kapatid na Glicerio Santos Jr., Ministro ng Ebanghelyo sa INC.
Bawat panauhin ay matamang nakinig sa ginawang pagtuturo at sa mga Salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia.
Kitang-kita ang pagkamangha sa mga bisita na unang beses pa lamang nakapasok sa pinakamalaking indoor arena sa buong mundo. Bata man o matanda, kahit ang iba ay hirap na sa paglalakad ay sinikap nilang makarating rito at makapakinig ng aral na itinuturo sa loob ng Iglesia Ni Cristo.
Dahil sa napuno ang Philippine Arena na mayroong seating capacity na 55,000, ang iba ay sa loob ng Philippine Sports Stadium nakinig sa pamamagitan ng malalaking monitors at speakers na nakatalaga sa nasabing dako.
Ang mga ganitong gawain sa loob ng Iglesia ay paraan upang maibahagi sa mga tao ang mga tunay na aral ng Diyos na nakasulat sa Biblia at sa ikapagtatamo ng kaligtasan.
Pagkatapos ng aktibidad ay nagpasya ang marami sa mga dumalong panauhin ang paghahangad nilang ipagpatuloy ang pakikinig at pagsusuri sa mga aral na itinuturo sa loob ng Iglesia Ni Cristo.
Eagle News Service Jodi Bustos, Photos by M.R.Faith Bonalos