PUERO PRINCESA, Palawan (Eagle News) – Tatlong samahan sa Palawan ang pinagkalooban ng Php 1.7 milyong tulong pangkabuhayan sa ilalim ng Integrated Livelihood Program ng Department of Labor and Employment.
Ang mga naging benepisyaryo ng naturang programa ay ang sumusunod:
- Narra United Ladies Multi-Purpose Cooperative na nagpanukala ng negosyong pagawaan ng Virgin Coconut oil. Pinagkalooban ito ng Php1.2 milyon.
- Sta. Lucia Nature Development Association na may proyektong paggawa ng unan ay tumanggap ng halagang Php435,000.
- Minara Mud Crab Culture Association na tumanggap naman ng Php134,000.
Ayon kay Undersecretary Bernard Olalia ng DOLE, ang naturang programa ay isa lamang sa paraan ng ahensya upang matugunan ang kahirapan at mabawasan ang bilang ng mga walang hanapbuhay.
Kailangan lamang umano na mapangalagaan at mapalago ang tulong na ipinagkaloob ng pamahalaan.
Labis naman ang pasasalamat ng mga naging benepisyaryo ng naturang programa.
Anne Ramos – Eagle News Correspondent, Palawan