Ni Norberto Delfino
Eagle News Service
CABUYAO CITY, Laguna – Isang Overseas Filipino Worker (OFW) ang sinundo sa airport ng mga kawani ng City Government of Cabuyao bilang bahagi ng kanilang proyektong “OFW Hatid-Sundo.”
Kasama ang biyenan at kaanak ay sinalubong nila si Karen Mapa, OFW sa bansang Malaysia, na nakaranas ng pagmamaltrato umano ng kaniyang amo.
Si Mapa ay nangibang bansa noon lamang Agosto 2017.
“Sa unang buwan po, okey lang sa akin yong sinisigawan ako, parang binabalewala ko lang po. Yong time na yon na sinaktan niya po ako habang naglilinis ako ng CR, parang galit na galit siya, sabi niya sige gawin mo itong paglilinis ng 20 minuto… pagkaraan ng 20 minuto ay bumalik o siya at bigla na lamang niya akong sinuntok sa likuran ko po. Sinabi ko po, bakit niyo po ako sinuntok ma’am? kung ayaw niyo po sa akin ibalik niyo na lang po ako sa agency,” ayon kay Mapa.
“Minsan po na sinabi ko na, ma’am ayaw ko na po gusto ko na pong bumalik sa agency. Ayun dalawang araw po na hindi ako pinakain. Nandoon lang po ako sa loob ng kuwarto, kinuha po niya lahat ng ibinigay niya sa akin,” dagdag pa niya.
Subalit maging sa agency na inaakala nyang magiging kanlungan niya ay nakaranas din siya umano ng pagmamaltrato.
“Pinagbabayad ka nila ng mga expenses nila na pagpapapunta sayo sa Malaysia, hindi ka patatawagin sa pamilya mo at hinihingan ka po ng mga malaking halaga para lang makauwi ka. Minsan po pinagpa-part time po nila yong mga katulad namin na mga domestic helper na bumabalik sa agency,” paliwanag pa ni Mapa.
Ang mga karanasang ito ni Mapa ay naiparating niya sa kaniyang biyenan na si Elvira, na nagsumbong sa pamahalaan.
Sa tulong ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at ng Blas Ople Policy Center ay maayos na nakauwi ang OFW sa Cabuyao City.
Inalok din si Mapa ng tulong na trabaho ng pamahalaang panlungsod ng Cabuyao.