Pinsala ng forest fire sa Mt. Matutum nasa 2 milyon na; mahigit 50 pamilya inilikas

POLOMOLOK, South Cotabato (Eagle News) — Aabot na sa P2 million ang tinatayang danyos sa nagpapatuloy na forest fire sa paanan ng Mt. Matutum sa South Cotabato.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO)-Polomolok, nasira ang nasa 55 ektarya ng taniman ng kape na bahagi ng tinatayang nasa 100 ektaryang lupain na apektado ng nasabing sunog sa Brgy. Kinilis, Polomolok, South Cotabato.

Nasa 100 indibidwal o mahigit 50 pamilya na rin ang apektado at inilikas mula sa prk 5, 6, 7, at 8 sa nasabing barangay at kasalukuyang namamalagi sa gym sa Prk. 1 sa Brgy. Kinilis.

Nabatid na nasa ikatlong araw na ang nasabing forest fire, kung saan sinabi ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa polomolok na nahihirapan sila sa pag-apula sa apoy, lalo pa’t mahirap umanong makapasok sa area ang kanilang mga firetruck.