KORONADAL CITY, South Cotabato (Eagle News) – Tinatayang umabot sa P50 milyon ang naitalang pinsala sa nangyaring sunog sa Koronadal City Public Market noong Martes ng gabi.
Ayon sa Koronadal City Bureau of Fire Protection, hindi pa kasama sa komputasyong ito ang mga produktong naabo ng sunog.
Sa datos ng Market Superior’s Office, umabot sa mahigit tatlong daang tindahan o stalls sa palengke ang partially at totally damaged dahil sa sunog.
Dahil sa napakalaking pinsala, ipinagkatiwala na sa Regional Bureau of Fire ang imbestigasyon sa insidente.
Dalawang anggulo ang pinaniniwalaang dahilan ng sunog.
Una ay ang posibilidad na may nag-spark na kuryente sa dry goods section na pinaniniwalang pinagmulan ng apoy, at ang pangalawa ay ang presensiya ng mga umano’y tangke ng butane sa public market.
Matatandaan na umabot sa ikaapat na alarma ang nasabing sunog na nagsimula 8:53 ng gabi.
Tatlo naman ang sugatan ngunit pawang minor injuries lamang ang kanilang natamo. (Eagle News Service)