QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Magsasagawa ngayong tanghali ng panibagong protesta laban sa jeepney modernization program ng gobyerno ang transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON).
Ayon kay Piston President George San Mateo, ang ikinasang pagkilos ng grupo ay hindi isang transport strike kundi isa lamang protest rally.
Naniniwala si San Mateo na ang modernization program ng administrasyon ay paraan lamang upang kumita ang gobyerno.
Iginiit ng lider ng transport group na pinahihirapan ng gobyerno ang mga tsuper at operator ng jeep habang hindi naman nito maisaayos ang serbisyo ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3).
Magsisimula ang protesta ngayong tanghali mula Welcome Rotonda sa Quezon City at magmamartsa ang mga ito patungong Mendiola sa Maynila.
Samantala, inalerto na ng Manila Police District (MPD) ang mga tauhan nito sa isasagawang protesta ng grupong PISTON.
Maagang nagtalaga ng mga tauhan ng MPD sa Mendiola upang matiyak na magiging mapayapa ang pagkilos.