PISTON nagsagawa rin ng transport strike sa Rizal

Photos courtesy of Eagle News Correspondent Tristan Alcantara

Ni Tristan Alcantara
Eagle News Service

ANGONO, Rizal (Eagle News) – Nagsagawa ng kilos-protesta ang Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ngayong araw, Lunes, Marso 19 sa Baytown, Angono, Rizal.

Ang nasabing protesta ng naturang grupo ay upang  ipahayag ang kanilang pagtutol sa proyekto ng gobyerno na jeepney phase-out.

Inihayag nila na kakaunti na ang mga jeepney na bumabyahe sa kasalukuyan dahil sa mahigpit na pag-iinspeksyon ng kanilang mga sasakyan sa pagpaparehistro.

Mariin nilang sinabi na naaapektuhan ang hanap-buhay nila dahil sa napipintong programa ng jeepney phase-out.

Habang nagsasagawa ng protesta, hinikayat din nila ang iba pang mga jeepney driver na pumapasada para makiisa sa kanilang ipinaglalaban.

Mapayapa naman ang isinagawa nilang transport strike at nakamonitor din ang kapulisan sa lugar na kanilang pinagsagawaan.

Ayon sa isa sa mga organizer, pagkatapos ng programa nila ay tutungo sila sa Anda Circle sa Maynila upang ipagpatuloy ang kanilang transport strike.

Kasama din sa pupunta ang iba pa nilang kasamahan na mula naman sa iba’t ibang lugar at lalawigan.

Related Post

This website uses cookies.