Planong ibagsak ang Duterte Administration, ibinunyag; Ombudsman, idinawit

(Eagle News) — Bistado na ng Malakañang ang pagpapagamit umano ng Office of the Ombudsman sa mga grupong nais ibagsak ang Duterte Administration.

Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, nawala na ang impartiality sa Office of the Ombudsman.

Ayon kay Abella ipinakita na nila—mula kay Ombudsman Conchita Carpio Morales at kay Overall Deputy Ombudsman Arthur Carandang—ang kanilang tunay na kulay pulitika.

Ipinahayag ni Abella isang matibay na ebidensiya ng pagiging biased ng Ombudsman nang ipakita nito sa publiko ang umano’y bank records ng account ng Pangulo na mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), bagay na itinanggi ng AMLC.

Inihayag ni Abella na ang ginawa ng Ombudsman na pagsasa-publiko ng pekeng bank records ng Pangulo ay paglabag sa batas sa layuning ikundisyon ang kaisipan ng publiko na sangkot sa korapsyon ang Presidente.

Itinanggi naman ni Abella na may kinalaman si Duterte sa pagsasampa ng kasong administratibo laban kina Carandang at Deputy Ombudsman for Mindanao Rodolfo Elman.

(Eagle News Service Vic Somintac)