By Meanne Corvera
Eagle News Service
(Eagle News) – Itutuloy ng Department of Transportation ang jeepney modernization program sa susunod na taon kahit pa magsagawa ng sunod-sunod na kilos protesta ang mga grupong humaharang laban dito.
Nakatakda sana ngayong araw hanggang bukas ang ikalawang nationwide strike ng grupong PISTON at “No to Jeepney Phaseout Coalition” pero ipinagpaliban ito sa pakiusap ni Senador Grace Poe.
Ito’y habang wala pang resulta ang imbestigasyon ng senado sa isyu ng jeepney modernization program.
Ayon kay Tugade, tuloy na ang jeepney phaseout batay na rin sa desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte at ibat-ibang sektor.
“Tuloy ‘yung modernization. Sinabi na ng Presidente (ito),” ayon kay Tugade.
Malaya aniyang magsagawa ng mga protesta ang ibat-ibang grupo pero kailangang bigyan ng prayoridad ang mayorya ng mga Pilipino.
Batay aniya sa plano, kailangang Euro 4 compliant na ang mga minamanehong jeep. Ang Euro 4 ay isa sa mga level ng European emission standard ukol sa acceptable o katanggap-tanggap na limits para sa mga exhaust emission ng mga sasakayan.
Sinabi pa ni Tugade na tatanggalin na rin sa lansangan ang mga jeep na may edad nang 15 taon pataas. Ang mga jeep ay dapat na environment-friendly at fuel efficient.
Ang mga prototypes ng mga bagong jeep ay may exit door na sa gilid at maaring makapagsakay ng mas maraming pasahero.
Sabi ni Tugade, marami silang ginagawang hakbang para maayos ang sistema ng transportasyon sa bansa.
Ang modernisasyon sa transportasyon ay makakatulong para makahikayat ng mas maraming turista at mapaangat ang ekonomiya ng bansa, ayon pa kay Tugade.
Sa Lunes ng susunod na linggo itinakda ang susunod na pagdinig ukol sa jeepney modernization program, batay na rin sa pakiusap ni Secretary Tugade.
Ipinagpaliban ang nakatakda kaninang pagdinig sa isyu dahil hindi makakadalo si Tugade.
(Eagle News Service)