ZAMBOANGA CITY (Eagle News) – Naharang ng tropa ng pamahalaan ang planong pambobomba sa Zamboanga City ng dalawang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG), na naaresto.
Ito ay matapos ikasa ang counter-action ng Joint Task Force Zamboanga at Zamboanga City Police Office laban sa ASG member na si Omar Askali o mas kilala bilang “Ayub” nitong Sabado.
Naaresto si Askali sa Governor Lim Ave. bandang alas 10:30 ng umaga.
Narekober kay Askali—na kilalang tagasubaybay ni Furuji Indama at bihasang gumawa ng improvised explosive device—ang isang hand grenade, cellphone, at dalawang ID.
Sa follow-up operation naman ay naaresto din ng militar si Mukaram Sapie alyas “Mukram” na miyembro rin umano ng ASG sa Brgy. Taluksangay.
Nakuha kay Mukram ang isang IED at caliber .45 pistol.
Patuloy pa rin ang operasyon sa paghahanap ng isa pang IED.
Ayon kay Ayub, dalawang IED ang itinago ni Mukram.
Ayon kay Col. Leonel Nicolas, Commander ng JTF Zamboanga, batay sa kanilang intelligence report, nakatakda sanang magpasabog ang grupo sa mga pampublikong lugar sa lungsod ng Zamboanga.
(Eagle News Service)