PNK Day, isinagawa ng Iglesia Ni Cristo sa Ormoc City para sa mga batang kaanib

ORMOC City, Leyte (Eagle News) — Matagumpay na naisagawa ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo ang isang aktibidad na tinawag nilang “PNK DAY” para sa mga batang miyembro nito.

Ang PNK ay mga batang kaanib sa loob ng Iglesia ni Cristo na nasa kalagayang ang edad ay 4 na taon hanggang 12 anyos o hindi pa nababautismuhan.

Sa pangunguna ng mga opisyales ng nasabing kapisanan nagtungo sila sa Ipil Central School kung saan idinaos ang nasabing aktibidad noong Linggo, Hulyo 17.

Dinaluhan ito ng maraming batang kaanib ng INC na mula pa sa iba’t-ibang mga lokal sa Ormoc Area kasama ang kanilang mga magulang. Kitang- kita ang kasabikan ng mga bata kaya bago pa ang takdang oras ng pagsisimula ay naroon na sila sa venue.

Masayang-masaya ang mga bata na sumali sa iba’t-ibang laro na pawang laro ng lahi gaya ng luksong tinik, agawan ng base, tumbang preso, patentero, batuhang bola, luksong baka at marami pang iba. Pagkatapos ng mga laro ay nagsalo-salo sila sa pamamagitan ng boodle fight.

Nagsipag-uwian ang mga bata na baon ang ibayong kasiglahan na sinasampalatayanan naman ng mga magulang na magdudulot ng katataganan sa kanilang pagka-Iglesia Ni Cristo.

Courtesy: Jojo Unajan – Ormoc City

 

Related Post

This website uses cookies.