PNP, aminadong nagkulang sa pagbabantay sa Quiapo twin blast 

(Eagle News) — Aminado ang pamunuan ng pambansang pulisya na nagkulang sila sa pagbabantay o pagbibigay seguridad kaya’t may mga nangyaring pagsabog sa Quiapo, Manila.

Ayon kay Philippine National Police Chief PDGen. Ronald Dela Rosa, ang nangyaring pagsabog ay patunay na malaki ang kanilang pagkukulang.

Gayunpaman sinabi ni PNP Chief na hindi saklaw ng pagbabantay ng kanilang mga intelligence operatives ang mga personal na away ang siyang nakikitang anggulo ng PNP sa mga nangyaring pagsabog.

Sinabi ni Dela Rosa na ang binabantayan lang nila ay ang mga banta mula sa mga threat groups, kabilang dito ang CPP-NPA, Abu Sayyaf, at Maute Terror Group.

Pero tiniyak ni PNP Chief na walang kinalaman ang terorismo sa nangyariing twin bombing sa Quiapo.

Pagtitiyak ng heneral na ang nangyaring twin blast sa Quiapo ay isang isolated case lamang at walang dapat ikabahala ang publiko dito.

Una nang pinatay ang cellphone signal kahapon sa Maynila partikular sa area malapit sa blast site bilang  bahagi rin ng kanilang isinagawang clearing operation sa lugar.

Lumabas sa imbestigasyon na pipe bomb pa rin ang ginamit ng mga suspek sa pagpapasabog sa Quiapo.