PNP, bumuo na ng team para sa Kidapawan incident

vlcsnap-2016-04-05-20h20m50s8
PC/Supt. Wilben Mayor, Spokesperson ng Philippine National Police

(Eagle News) — Bumuo na ng fact finding team ang Phililippine National Police para imbestigahan ang dispersal sa Kidapawan City na nauwi sa karahasan at ikinamatay ng dalawang raliyista habang ikinasugat naman ng mahigit 100 katao.

Ayon kay PC/Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng PNP, nagtungo na sa naturang lugar ang five-man team na pinamumunuan ni PC/Supt. Isagani Nerez para simulan ang imbestigasyon at upang malaman kung mayroong mga tauhan ng PNP na aniya ay nakalabag sa batas.

“Ang aming policy is to be transparent. Hindi namin tino-tolerate ang aming mga kasamahan kung kasama namin mismo ang nag-violate ng rules and regulation o mga batas na ipinapatupad natin sa ating bansa. Kaya kung base doon sa pag-iimbestiga ay mayroong napatunayan na mayroon sa aming nagkamali ay dapat lamang na magkaroon siya ng parusa,” pahayag ni Mayor.

Nanawagan din ang PNP sa mga nakasaksi sa naturang insidente na tumulong sa kanilang ginagawang imbestigasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga karagdagang detalye hinggil sa naturang marahas na dispersal.

Bukas din umano ang PNP sa magiging imbestigasyon ng iba pang ahensiya ng pamahalaan sa naturang insidente.

“PNP naman is sumusunod sa utos ng mga nakakataas sa amin. And part of the, you know, democratic system of our government, the senate has the authority to conduct investigation and kami naman ay handa na tumugon sa kanilang mga utos,” saad ni Mayor.

Samantala, nagpaabot din ng simpatiya ang PNP sa mga raliyistang nasawi at nasaktan sa insidente bagaman umapela rin sila sa publiko na huwag muna anilang husgahan ang mga pulis lalo’t marami din sa kanilang hanay ang nasaktan kung saan dalawa sa kanila ang nasa kritikal na kondisyon.