BIÑAN CITY, Laguna (Eagle News) – Bumuo ang Laguna Police Provincial Office (PPO) ng isang Task Force para sa ikalulutas ng pagpatay sa isang Police Officer noong nakaraang Miyerkules (July 11) sa Biñan City, Laguna.
Ayon kay Police Senior Inspector Gerry Sangalang, hepe ng Provincial Police Public Information Office na mabilis ding iniutos ni Laguna Police Provincial Director, Senior Superintendent Cecilio Ison, Jr. ang pagbuo ng tracker team upang masiyasat ang pagkakakilanlan ng pumatay kay Senior Police Officer II (SPO2) Ricardo Pagua Infante.
Si Infante ay binaril ng gunman habang nakasakay sa kaniyang motorsiklo pauwi sa kaniyang bahay patungo sa Tulay na Bato ibaba sa Brgy. San Antonio sa nasabing syudad.
Sa kuha ng closed-circuit television camera footage ng insidente, ang suspek ay nakasuot ng shorts, naka-bull cap at nakatakip ng panyo ang kaniyang mukha.
May hawak din itong sako nang lumapit sa biktima at binaril ito nf malapitan sa ulo.
Kinuha rin ng suspek ang service firearm ng naturang biktima na sinilid sa dalang sako.
Sumakay ang naturang suspek sa dumating na rider na nakamotorsiklo at tumakas papuntang Santa Rosa City.
Ayon naman kay Biñan City Chief of Police Elpidio Ramirez, si Infante ay nakakatangap ng mga pagbabanta sa buhay nang nakalipas at kasalukuyan pang inaalam kung ano talaga ang motibo sa nasabing pamamaslang.
Willson Palima – Eagle News Correspondent, Biñan City, Laguna