(Eagle News) — Nababagalan si Philippine National Police Chief Director General Oscar Albayalde sa imbestigasyon sa pananambang kay Daanbantayan, Cebu Mayor Vicente Loot kung saan apat sa kasamahan nito ang nasugatan.
Tatlong araw ng mahigit ang lumipas mula nang mangyari ang pananambang wala pang makuhang impormasyon ang PNP sa panig nina Mayor Loot at mga kasamahan nito.
Ang dahilan hindi pa nagbibigay ng kanilang sinumpaang pahayag ang kampo ni Loot.
Paliwanag ni Gen. John Bulalacao, PNP spokesperson, bagamat may mga anggulo na silang tinitignan sa naturang pamamaril mahalaga ang kooperasyon ni Loot dahil sila ang nakakaalam sa tunay na pangyayari.
Bagamat kasama ni Loot ang kaniyang pamilya ng mangyari ang pamamaril, hindi inaalis ng PNP ang angulo na “ambush me.”
Dagdag pa ni Bulalacao karapatan ni Loot na magbigay ng pahayag sa mga posibleng may kagagawan ng naturang pamamaril pero kailan aniya bilang PMAers hindi nila magagawa na gawan ng masama ang kanilang kapwa PMAers.
Gayunpaman kung mapapatunayan aniya na sangkot si Loot sa illegal drugs, handa aniya silang huliin ito pero hindi upang patayin kundi upang papanagutin sa batas.
Isang retired police officer si Loot at matatandaang isa siya sa kasama sa inilabas na narcolist ni Pangulong Rodrigo Duterte.Erwin Temperante