MANILA, Philippines (Eagle News) — May babala si Philippine National Police (PNP) chief Ronald “Bato” dela Rosa sa mga police scalawag na muling gagawa ng kalokohan, oras na bumalik na sila sa war on drugs.
Nagbanta rin ang heneral na pangungunahan niya ang isang vigilant group para hantingin ang mga tiwaling pulis oras na lumala ang kalakaran ng iligal na droga pagkatapos nyang mag-retiro sa serbisyo.
“Isasama ko kayo sa retirement ko kapag kayo gumawa ng kalokohan. I will be retiring back to Davao, and you will be retiring inside the prison jail, if not, you will be retiring six feet below the ground,” babala ni Dela Rosa.
Yan ang babala ni P Dela Rosa sa mga pulis na muling masasangkot sa kalokohan oras na pabalikin na sila ng Pangulo sa war on drugs.
Kung sakali kasi, ito na ang ikalawang beses na inalis at ibabalik ang PNP sa giyera kontra droga kaya ayaw daw ni Dela Rosa na maulit ang mga nagawa nilang pagkakamali noon.
Giit ng heneral, hindi sya natatakot na banggain ang mga tiwaling pulis kahit pa paretiro na sya sa serbisyo sa susunod na taon.
“Up to the last minute of my service diretsuhin ko yan, I must tell you kahit retired na ako bakit hindi ako pwedeng makipag barilan. You are free to come and hunt me, hindi ko kayo aatrasan kayong mga scalawags kayo kahit ako’y retired na. Baka makakita kayo ng four star general that will lead vigilantes against the Scalawag police. Hindi ko kayo aatrasan, remember isa lang ang buhay natin, its either buhay niyo o ako,” aniya.
Agad naman nilinaw ni Dela Rosa na wala siyang planong bumuo ng vigilante group na tutugis sa mga Scalawags oras na magretiro na sya.
Nitong Lunes, Nobyembre 27 dumalo si Dela Rosa sa inagurasyon ng state of the art Integrated Command and Control Center sa Quezon City Police District na bente kwarto oras na magmomonitor sa sitwasyon sa lungsod.
Nangako rin si Quezon City Mayor Herbert Bautista na magdodonate ng 100 unit ng body camera sa QCPD.
Sana raw ay may iba pang LGU na magdonate ng body camera sa PNP na malaking tulong daw sa pagbabalik nila sa war on drugs.
Bagaman hindi pa tiyak kung kailan sila pababalikin ng Pangulo sa giyera kontra droga, plano na raw ng PNP na bumili ng mga body camera sa susunod na taon para sa lahat ng kanilang mga tauhan na sumasabak sa anti-drugs operations.
(Eagle News Service, Mar Gabriel)