Ni Meanne Corvera
(Eagle News) — Hindi na naitago ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald Dela Rosa ang maglabas ng sama ng loob sa pagdidiin sa kanila sa extrajudicial killings o summary executions.
Sa ikalawang araw ng imbestigasyon ng senado sa mga kaso ng extra judicial killings at mga summary executions, umangal na si Dela Rosa.
Sa kabila ng kanilang pagtatrabaho at panganib sa buhay ng mga pulis, marami pa rin ang bumabatikos sa anti-illegal drugs operations.
“Hindi po kami mamatay tao, pulis kami, we are here to serve and protect,” ayon pa sa kanya.
Masakit raw para sa kaniya na napapatay rin at nakakasuhan ang mga kapwa pulis na gumawa lang naman ng kanilang tungkulin.
Sinisisi naman nito ang panlalaban ng mga suspek sa mga police operation, kaya tumaas ang bilang ng mga napapatay sa kampanya ng gobyerno laban sa droga.
Giit ng pinuno ng pambansang pulisya, self defense o ipinagtanggol lang naman ng mga pulis ang kanilang sarili laban sa mga kriminal.
Ang utos raw ng Pangulo, patayin ang sinumang inaarestong sangkot sa droga kapag nanlaban.
“Regarding resisting arrests, it’s presumed that all these 702, the 702 deaths in police operations resisted arrests that’s why they are killed. Otherwise, if they did not resist, and did not offer any threat to the arresting party, then they are alive. That’s my presumption your honor,” ayon pa kay Dela Rosa.
Sa datos ng PNP, umabot na sa mahigit 1,700 ang napapatay mula nang magsimula ang giyera kontra droga noong July 1.
Pero sa naturang bilang, 756 dito ang napatay sa lehitimong police operations habang ang mahigit isanlibong iba pa ay biktima ng vigilante killings.
Pero paglilinaw ni Dela Rosa, hindi polisiya ng gobyerno na patayin ang lahat na matutukoy at aamin na nagbebenta o gumagamit ng iligal na gamot.
Katunayan, wala aniya sa manual ng PNP ang shoot- to- kill order at ginagamit lang ito para takutin ang mga suspek.
Pero kung armado raw at manlalaban ang mga suspek, walang magagawa ang pulis kundi dumipensa.
Sa kanilang Oplan Tokhang, kinukumbinse aniya nila ang mga suspek na sumuko para sumailalim sa rehabilitasyon.
Lumilitaw rin aniya sa kanilang imbestigasyon na hindi lahat ng death under investigation (DUI) outside police operations ay may kaugnayan sa droga.
Sa mahigit 1,000 na DUI, kulang-kulang 300 lang dito ang konektado sa droga habang ang iba pa ay posibleng dulot ng matagal nang alitan at ginagamit lang ang kampanya ng gobyerno para pagtakpan ang krimen.
Sinabi naman ng Commission on Human Rights, batay sa depenisyon ng United Nations Special Rapporteur maituturing na biktima ng summary execution o extra judicial killings ang mga kaso ng pagpatay na hindi matukoy kung sino at ano ang dahilan ng pagpatay.
Batay raw sa kanilang monitoring, malala ang kaso ng extra judicial killings sa lahat ng administrasyon na nagmula pa noong 1986.
Ayon sa PNP, may ginagawa naman silang hakbang para malutas ang mga kaso ng pagpatay.
Katunayan, 268 na aniya ang naresolba sa mga kaso ng extra judicial killings at nasampahan na ng kaso ang mga responsable.
Gayunman, mabagal raw ang kanilang imbestigasyon at pagtukoy sa iba pang suspek sa mga pagpatay dahil sa kakulangan ng manpower.
Nagkasagutan naman sina Dela Rosa at senador Leila De Lima sa hearing.
Kinukwestyon ni De Lima kung bakit nakakapasok ang mga communications gadget sa National Bilibid Prison, dahilan kaya nakapag-operate pa rin ang mga drug lord.
Pero depensa ni Dela Rosa, kasalanan din nito kung bakit nakapasok sa NBP at sa iba pang bilangguan ang bulto-bultong droga.
Kung noon pa raw sana hinigpitan ni De Lima ang security sa mga bilangguan, napigilan sana ang operasyon ni Peter Co at iba pang bilanggong druglords.
Nauna nang ibinunyag ng hepe ng pambansang pulisya na malaking volume ng droga sa bansa ay galing China, Taiwan at Hong Kong
Bigo naman ang senado na matanong kanina ang 10 pang testigo.
Naubos kasi ang panahon ng mga senador sa pagtatanong kay Dela Rosa at inaasahang ihaharap na lang sila sa mga susunod na pagdinig ng senado.
Pinag-aaralan na rin ng mga senador na luwagan ang batas sa bank secrecy para ma-trace ang mga drug money na idinadaan ang mga bangko.
Mamadaliin na rin daw ang pagdinig sa panukalang amyenda sa wiretapping law para agad matukoy kung sino-sino ang nagtutulak ng iligal na droga at mga kasabwat ng mga ito sa mga ahensya ng gobyerno.