(Eagle News) – Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Ronald dela Rosa na hindi na makakabalik sa serbisyo ang sinumang pulis na masasangkot sa malalaking krimen.
Sinabi ni Dela Rosa na hangga’t si Pangulong Rodrigo Duterte ang namumuno, walang mare-reinstate na mga pulis na nasibak dahil sa pagkakadawit sa mga ilegal na gawain.
Pangako pa ni Dela Rosa, kahit pa siya ay magretiro na at makita niyang ma-reinstate ang isa sa mga ito ay lalapit siya sa Pangulo para i-apela ang pagbabalik nito sa serbisyo.
Kabilang aniya sa mga nakikita niyang hindi na makapagsisilbi muli sa pulisya ay ang mga sangkot sa pagpatay sa negosyanteng Koreano na si Jee Ick Joo at kay Albuera Mayor Rolando Espinosa.