PNP, handa na para sa Oplan: Summer Vacation 2018

MANILA, Philippines (Eagle News) — Nakahanda na ang Philippine National Police sa pagpapatupad ng kanilang Oplan Summer Vacation 2018 na pormal na magsisimula sa March 23 at tatagal hanggang June 13.

Kasama sa pinaghahandaan ang inaasahang pagdagsa ng ating mga kababayan sa mga probinsya para samantalahin ang mahabang bakasyon.

Pangunahing babantayan ng PNP ang mga pampublikong lugar partikular na yung tinatawag na “areas of convergence,” gaya ng mga bus terminal, pantalan at paliparan kung saan magtatalaga sila ng police assistance desk.

Tututukan din daw nila ang mga top tourist destination sa bansa.

Bukod sa mga ipakakalat na local police magdedeploy din ng kanilang sariling tauhan ang PNP Maritime Group at HPG sa Oplan SumVac.

Bagaman walang natatanggap na banta sa seguridad, nananatili umanong nakataas sa full alert ang status ng PNP para sa anumang posibleng banta ng mga terorista.

Kaugnay nito, muli ring nagpaalala ang PNP sa publiko na maging alerto at ipagbigay alam sa awtoridad kung may mapansing kahina-hinalang bagay o indibidwal.(Mar Gabriel)