SAN PABLO CITY, Laguna (Eagle News) – Handa na ang kapulisan ng San Pablo City, Laguna sa nalalapit na pasukan sa Lunes, ika-5 ng Hunyo.
Ayon kay, Supt. Ronan Claravall, officer in charge ng lokal na kapulisan, maglalagay sila ng Public Assistance Desks sa iba’t ibang paaralan para makatulong sa mga libu-libong mga estudyante na papasok sa Lunes.
Nagpapaalaala rin siya sa mga magulang, lalo na sa mga anak nila na mag-aaral sa mga pribadong institusyon, na iwasang pagsuotin ang mga estudyante ng mga mamamahaling hikaw at kuwintas.
Kung may cell phone ay dapat na ito ay nasa bag o nakatago, para huwag maging katukso-tukso sa mga masasamang loob.
Dapat ding pinipili ang mga tricycle driver o school service na kinakausap upang ihatid at sunduin ang kanilang anak sa paaralan.
Dapat din aniya ay kilala nila ang pagkatao ng mga ito dahil kapakanan ng kanilang anak ang nakasalalay.
Gina Tabieros – EBC Correspondent, San Pablo City, Laguna