MANILA, Philippines (Eagle News) — Bukas ang Philippine National Police (PNP) na makipag-ugnayan sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kaso laban sa giyera kontra iligal na droga.
Ayon kay PNP Spokesperson Chief Supt. John Bulalacao, handa silang magsumite ng mga datos kaugnay ng kampanya kung papayagan ng mga matataas na opisyal.
Dagdag ni Bulalacao, kokonsultahin din ng PNP ang legal experts ng bansa, gaya ni Solicitor General Jose Calida bago magbigay ng impormasyon sa ICC. Nagsasagawa ng preliminary examination ang ICC sa gyera ng bansa kontra droga.
PNP, iginiit na ‘bloodless’ pa rin ang bagong Oplan Tokhang
Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na hindi madugo ang muling paglunsad ng Oplan Tokhang. Nakapagsagawa ng higit sa apat na libong operasyon ang pulisya sa ilalim nito, kung saan higit dalawang libong drug suspects ang mga sumuko.
Mula naman nang ibalik sa giyera kontra iligal na droga ang PNP, nasa 65 drug suspects ang napatay.
Ayon sa PNP, ang datos ay sa ilalim ng 4,613 operations ng pulisya na isinagawa sa buong bansa mula December 5, 2017 hanggang February 14, 2018.
Inaresto naman ang mahigit sa pitong libong mga suspek sa mga operasyon sa parehong panahon. (Eagle News Service)