MANILA, Philippines (Eagle News) — Tuloy-tuloy ang operasyon ng Philippine National Police-Highway Patrol Group laban sa mga kolurum na public utility vehicles (PUVs) sa ilalim ng kanilang Task Force Kamao.
Sa huling tala ng HPG, umakyat na sa 119 na bus at 91 na van ang nahuli.
Ayon kay HPG Chief PolChiefSupt. Arnel Escobal, karamihan sa mga nahuli ay mula sa Region 4B na pangunahing ruta ng naaksidenteng Dimple Star Bus.
Mga nahuling colorum na sasakyan, pansamantalang naka-impound sa mga tanggapan ng HPG
Ang mga nahuling kolorum na sasakyan pansamantala daw munang naka impound sa Regional at Provincial Offices ng HPG.
Sa ngayon, aabot umano sa dalawang daang libong piso (Php 200,000) ang multa para sa mga kolorum na van habang isang milyong piso (Php 1,000,000) naman sa mga bus.
Kaya naman mahigpit aniya ang bilin ni Escobal sa kanilang mga tauhan na wag mangongotong dahil sisiguruhin niya na masisibak ang mga ito sa serbisyo.
Kung may reklamo hinggil sa pangongotong maaari itong itext sa HGP hotline: 7444 -474 .
(Eagle News Service Mar Gabriel)